
School Fair: Kasiyahan, Tapang, at Talento sa SHSQC!
Written by : Ricarla Nolasco
Illustration by: Cassiel Gomez
Layout by: Shian Canaria
Photos from: Kassandra Gan
Kaya’t ano pang hinihintay mo? Tara na!
Magkita-kita tayo sa School Fair sa February 7-8, 2025!
Hindi magkamayaw na hiyawan ang maririnig mula sa mga estudyante tuwing sasapit ang isa sa pinaka-inaabangang kaganapan sa buong taon ng panuruan—ang School Fair! Ang event na ito ay puno ng saya, kilig, at iba't ibang aktibidad na tiyak magpapasaya sa bawat isa.
Para sa mga mahilig subukan ang kanilang tapang, nariyan ang Teacup, kung saan paiikutin ka nang paiikutin hanggang sa makalimutan mo ang iyong pangalan. Mayroon ding Vikings—isang makalaglag-

kaluluwang ride na halos masasambit mo ang lahat ng santong kilala mo sa bawat paggalaw nito. At kung hindi pa sapat, nariyan ang Octopus na hindi lang ikaw paiikutin, kundi dadalhin ka sa matinding taas-baba, para kang iniikot sa loob ng washing machine!
At syempre, hindi mawawala ang masasarap at nakapapawi ng pagod na mga pagkain. Sa bawat kanto ng paaralan, may iba't ibang putahe na tiyak papatok sa bawat panlasa—mula sa matamis hanggang sa maasim, at mula sa malasa hanggang sa malutong.
Huwag din kalimutan ang mga makukulay at magagarbong disenyo ng paaralan! Talaga namang nakaka-WOW ang bawat sulok ng eskwelahan sa pagdiriwang na ito. Ngunit higit sa lahat, ang mga talento ng mga mag-aaral ang nagbibigay ng kakaibang sigla at saya sa lahat. Mula sa mga pagtatanghal ng pagkanta, pagsayaw,
pagtugtog ng musika, pagpinta, at marami pang iba, makikita ang galing at dedikasyon ng bawat isa.
Ang School Fair ay hindi lamang isang pagkakataon para magsaya, kundi isang pagkakataon din upang mapalalim ang samahan ng komunidad ng SHSQC. Mula sa mga preparasyon hanggang sa mga patimpalak at pagtatanghal, walang tigil ang suporta at pagtutulungan ng bawat isa. Talaga namang walang kapantay ang saya at pagkakaisa na hatid nito.

“Tara, Octopus tayo!”
“Sa Vikings na lang, parang naiiwan ang kaluluwa mo!”
“Iwanan lang pala ng kaluluwa? Eh, ‘di sa Teacup na lang!”